Monday, October 28, 2013

1 sugatan, sa barilan ng kapitan at umano'y tauhan ng alkalde sa La Union

NAGUILIAN, La Union - Isa ang sugatan sa nangyaring palitan ng putok ng baril sa pagitan ng punong barangay at tatlong kalalakihan sa Barangay Casilagan sa bayan ng Naguilian, La Union kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Casilagan Barangay Chairman Ricardo Aromin, sinabi nito na habang naghahanda siya patungo sa isasagawang caucus sa kanilang lugar ay napansin nito ang tatlong kalalakihan na may sukbit na baril sakay ng dalawang motorsiklo na nag-aabang sa labas ng kanyang bahay.

Dahil dito, agad umanong kinuha ng opisyal ang kanyang shotgun upang depensahan ang sarili laban sa tatlo at dito na sumunod ang palitan ng putok.

Isa sa tatlo ang tinamaan ng bala at nahulog sa sinasakyang motorsiklo matapos itong tamaan ng baril ni Aromin.

Kumaripas naman ng takbo ang dalawa at naiwan pa ang kanilang mga sasakyan at sandata sa nabanggit na lugar.

Ayon pa sa kapitan, namumukhaan niya ang isa sa nagtangka sa kanyang buhay na tauhan umano ni Naguilian Mayor Reynaldo Flores.

Malakas ang paniniwala ni Aromin na may kinalaman sa politika ang motibo sa insidente.

Samantala, sinusubukan namang makipag-ugnayan ngayon ng Bombo Radyo News team kay Mayor Flores upang makunan ang kanyang panig.

Sa kasalukuyan ay ginagamot sa isang pribadong pagamutan sa lungsod ng San Fernando, La Union ang umano'y nabaril ng kapitan.

Dinala naman sa La Union Police Provincial Office ang nasabing biktima para sa malalimang imbestigasyon.

Inaalam din ng pulisya pagkakakilanlan ng tatlo pang sangkot sa nangyaring engkwentro at ang may-ari ng ilang mga narekober basyo ng bala, baril at ang dalawang ginamit na motorsiklo na ginamit.

Si Aromin ay natalong kandidato sa pagka-bise alkalde ng naturang bayan sa ilalim ng lokal na opisisyon noong 2013 mid-term election at tumatakbo muli ito sa halalang pambarangay bilang kapitan ng Casilagan.

Una rito, binaril naman ng hindi pa kilalang suspek si Magsiping Barangay Chairman Fulgencio Regunay ng bayan ng Luna sa lalawigan nitong nakalipas lamang na araw ng Martes.

Malaki rin ang hinala ng kaanak ng pinaslang na kapitan na politika umano ang motibo sa nangyaring krimen.
- See more at: http://www.bomboradyo.com/news/latest-news/item

No comments:

Post a Comment